PAGSISIYAM SA KARANGALAN NG MAHAL NA POONG SANTO NIÑO DE TONDO
Pinipintakasi at Pinipintuho sa Kanyang Arkidiyosesanong Dambana at Simbahan sa Tondo
Bilang Paghahanda para sa nalalapit na Kapistahan ng Banal na Sanggol
"Emmanuel: kasama natin ang Diyos"
- Mateo 1:23
Mula Ika-07 hanggang Ika-15 ng Enero, 2021 A.D.
UNANG ARAW
PASIMULA: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Amen.
Namumumo:
Mga kapatid, natitipon tayo bilang isang sambayanan upang dalhin ang ating panalangin sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Pangalan, na ang kahulugan ay nagliligtas ang Diyos, nang makamit natin ang mga pagpapala para sa ating kagalingan at kaligtasan.
Ihanda natin ang ating mga sarili sa pag-amin sa ating mga kasalanan upang marapat nating tanggapin ang liwanag na hatid ng Kanyang Salita at Siya ay naparito upang bigyan tayo ng buhay na ganap at kasiya-siya. Mula sa mapagpakumbaba nating puso ay hilingin natin ang habag at patawad ng Panginoon.
(Tumahimik sandali)
PANALANGIN NG PAGSISISI
(Nakaluhod ang lahat)
Lahat:
Ama naming mahabagin, iniyuyuko namin ang aming mga ulo tanda ng aming pagsisisi sa mga kasalanan na nagawa namin sa isip, salita at gawa. Marami ang aming pagsuway sa Iyong utos kaya puno ng ligalig ang aming buhay.
Kaya naman kami ay humaharap sa Iyo, Ikaw na ang aming Diyos na mayaman sa habag at awa, mapagpatawad at napakabuti sa mga pagsisisi, upang ihingi ng kapatawaran ang aming mga pagkakasala kalakip ang pangako na sa Iyo ring tulong ay layuan ang kasamaan at harapin ang banal na pamumuhay na panawagan Mo sa aming lahat.
Amen.
(Tumayo ang lahat)
UNANG ARAW
Namumuno:
Pagbasa sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo
(Mateo 1:18-21)
Ganito ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo Si Maria na kanyang Ina at si Jose at nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria'y natagpuang nagdadalang-tao. (ito'y sa pamamagitan ng Espiritu Santo.) Isang taong matuwid si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan ng lihim.
Samantalang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang Anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Manganganak siya ng isang lalaki at ito'y pinangangalanan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.
Ang Mabuting Balita ng Pamginoon.
Pinupuri Ka namin Panginoong HesuKristo.
(Lumuhod ang lahat)
PANALANGIN
O minamahal na Banal na Sanggol, naririto ako sa iyong paanan. Lumuluhog ako sa Iyo na Siyang puspos ng biyaya, sapagkat nangangailangan ako ng iyong tulong.
Ibaling mo ang iyong mga mata sa akin, O Hesus, at tulungan mo ako sa aking pangangailangan. Sa pamamagitan ng iyong banal na kamusmusan, iniluluhog ko ang aking kahilingan....
(tahimik na banggitin ang kahilingan)
....kung iyong nanaisin sapagkat ito'y makabubuti sa akin, hinihiling kong ito'y ipagkaloob mo. Sa iyong walang hanggang awa, huwag mong tingnan ang aking kahinaan kundi ang aking pananampalataya, sa kasamahan ng lahat ng mananampalataya.
Amen.
Namumuno:
Purihin ang Iyong Ngalan, O Panginoon.
Lahat:
Ngayon at magpakailanman.
Ipahintulot mo, O Ama, na aming makilala ang karangalan ng kaluwalhatian sa kadukhaan ng Iyong Anak na nagkatawang-tao, at sambahin ang Iyong banal na kapangyarihan sa kaabahan ng kanyang kamusmusan; ipagkaloob Mo na sa aming magiliw na pagtanggap sa kaharian ng langit katulad nang mga bata, makamit nawa namin ang gantimpalang ipinangako sa mga may maamong puso.
Sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon.
Amen.
LITANYA SA BANAL NA SANGGOL
Panginoon, maawa Ka
Panginoon, maawa Ka
Kristo, maawa Ka
Kristo, maawa Ka
Panginoon, maawa Ka
Panginoon, maawa Ka
Hesus, pakinggan Mo kami
Hesus, pakinggan Mo kami
Hesus, pakapakinggan Mo kami
Hesus, pakinggan Mo kami
Diyos Ama sa langit
• Maawa Ka sa amin
Diyos Anak, Tagapagligtas ng mundo
Banal na Espiritu, iisang Diyos
Banal na Santatlo, iisang Diyos
Hesus, Anak ng Buhay na Diyos
Hesus, karingalan ng Ama
Hesus, ‘di masukat na kabutihan
Hesus, Diyos ng Kapayapaan
Hesus, Anak ng Birheng Maria
Hesus, ligaya ng mga tao at mga anghel
Hesus, na pinananabikan ng mga Patriarka at Propeta
Hesus, Guro ng mga guro
Hesus, huwaran ng kawalang-malay at kalinisan
Hesus, lubhang kaibig-ibig
Hesus, lubhang kalugod-lugod
Hesus, galak ng lahat ng mga banal
Maging mapagpatawad
Patawarin Mo kami, O Hesus
Maging maawain
Pakinggan mo kami, Panginoon
Sa lahat ng kasamaan
• Ipag-adya Mo kami, Panginoon
Sa lahat ng pagkakasala
Sa pamamagitan ng Iyong pagsilang
Sa pamamagitan ng Iyong pagkabata
Sa pamamagitan ng pagmamahal nina Maria at Jose
Sa pamamagitan ng aming pagmamahal
Sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Iyong Banal na Ngalan
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
Patawarin Mo kami, O Hesus
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
Pakinggan Mo kami, O Hesus
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
Kaawaan Mo kami, O Hesus
Hesus, pakinggan Mo kami
Hesus, pakinggan Mo kami
Hesus, pakapakinggan Mo kami
Hesus, pakapakinggan Mo kami
(Nakaluhod)
PANALANGIN SA BANAL NA SANGGOL SA ARAW-ARAW
O Banal na Sanggol, ibuhos Mo ang Iyong pagpapala sa sinumang tumatawag sa Iyog Pangalan, tunghayan Mo kaming naninikluhod sa harap Mo at pakinggan ang aming mga panalangin.
Inihahabilin namin sa Iyomg awa ang napakaraming dukha at nagdarahop na nagtitiwala sa Iyong Banal na Puso. Ipatong Mo ang Iyong makapangyarihang kamay sa kanila at tulungan Mo sila sa kanilang pangangailangan.
Iunat Mo ang Iyong kamay sa mga bata, upang sila’y maipagsanggalang sa aming mga pamilya, upang sila’y manatili sa pagkakaisa at pagmamahalan.
Ipatong Mo ang Iyong kamay sa mga may karamdaman, upang sila’y gumaling at mapabanal ang kanilang paghihirap sa mga taong nababagabag, upang sila’y maaliw; sa mga makasalanan, upang sila’y maakay sa liwanag ng iyong Banal na Grasya; sa lahat ng mga nagdadalamhati at nagdurusa na umaasa sa Iyong tulong.
Ipatong Mo rin ang Iyong kamay sa aming lahat at ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong pagpapala.
O Sanggol na Hari, ipagkaloob mo ang yaman ng Iyong Banal na Awa sa buong daigdig at kupkupin Mo kami sa grasya ng Iyong pag-ibig ngayon at magpakailanman.
Amen.
(Nakatayo)
Namumuno:
Dumalangin tayo sa Ama ayon sa panalanging itinuro ni Hesus na Panginoom natin.
AMA NAMIN
Ama namin sumasalangit ka,
Sambahin ang pangalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo po kami ngayon
ng aming kakanin sa araw araw;
At patawarin mo kami sa aming mga sala,
Para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin;
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso,
At iadya mo kami sa lahat ng masama.
(Nakaluhod)
PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN
O Maria, dumudulog kami sa Iyo taglay aang pagtitiwala sa Iyong maka-inang pagmamalasakit at pagmamahal sa amin.
Ibinigay ka sa amin ni Hesus bilang Ina na laging sasaklolo sa aming mga pangangailangan. Kaya naman kami ay dumadalangin sa iyo ng iyong palagiang paggabay sa buhay-pananampalataya kalakip ang panawagan sa iyong Anak para sa aming kaligtasan.
O Maria, ikaw na napupuno ng grasya, ingatan mo ang aming mga puso na matulad sa puso mo na buo ang pag-ibig sa Diyos. Dampian mo ng iyong mga kamay ang aming mga labi nang tulad mo ay masambit namin sa Diyos tuwina, “Maganap nawa sa akin ang Iyong Salita.” Itindig mo kami sa oras ng aming pag-aalinlangan, sa aming mga kahinaan, sa aming mga pagdurusa. Samahan mo kami na maabot namin ang tahanang inihanda sa amin ng iyong anak.
Sa iyomg mga bisig ay nadama ng sanggol na si Hesus ang maalab na pag-ibig at pagaaruga ng isang ina. Kaya bilang ding aming ina sa iyong mga bisig ay kalingain mo kami hanggang sa oras ng aming kamatayan.
O Maria, ipanalangin mo kami, nang kami ay dapat makinabang sa mga pangako ni Kristong Anak mo.
Amen.
PANALANGIN KAY SAN JOSE
O Kaibig-ibig na San Jose, hinirang ka ng Diyos na maging bahagi sa kaloob na kaligtasan sa tao. Sa iyo ay iniatang ang pagbibigay pangalan sa ipinangakong Mesiyas, si Hesus na isinilang ni Maria ay lumalapit kami na iyong kupkupin sa pamamagitan ng iyong mga panalangin sa harapan ng sinisinta mong Anak.
Lubhang katangi-tangi ka sa lahat ng mga Ama sa lupa kaya’t hindi nag-alinlangan ang Diyos na sa iyo ipinagkatiwala ang bugtong na Anak upang lingapin na lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa mata ng Diyos at ng tao.
O San Jose na malinis ang puso, busilak ang kalooban at dalisay ang pag-ibig ng Diyos, kami ay akayin Mo sa iyong dakilang halimbawa ng pagtalima sa Salita ng Diyos.
Kahanga-hanga ang iyong pananampalataya na maging katambal ng pananampalataya ni Maria. Tunay nga na nagkakaisa kayo ni Maria sa pagtugon sa kalooban ng Diyos.
O San Jose, Patron ng Santa Iglesia kami ay iyong laging alalahanin sa harapan ng Diyos. Sapagkat kung paano mo kinalinga ang mag-ina dito sa lupa kami rin ay kalingain mo sa buhay naming kahapis-hapis. Makatulad nawa kami sa iyo na maging lingkod sa misyon ni Kristo para sa kaligtasan ng isang banal at tapat na buhay Kristiyano.
At kung matapos ang aming paglalakbay dito sa lupa ay salubungin mo kami sa kalangitan na aming hantungan at makita si Hesus na aming Panginoon at Diyos magpasawalang hanggan.
Amen.
- + - JHS - + -